Select Page

Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Katutubo

Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Katutubo

by Milen Jan Rodriguez

 

Uy! Kanang galingkod diras kilid. Naa diay gapaingon nimo nga gihigugma ka niya. Ug ikaw ya! Kaanyag ba nimo da. Ginpahambal sang migo mo nga palangga ya ka. Magkaiba man ang katutubong wikang ating binabanggit, iisa pa rin ang hangaring nais nating makamit – ang maipabatid sa lahat ng tao ang bugso ng ating damdamin at isipan, at magkaroon ng pagkakaunawaan kaninuman.

 

Sa ating mga kagalang-galang at respetadong mga hurado, sa ating mga guro, at sa mga naggagandahan at naggagwapuhang mga estudyante, mga magulang at mga panauhin, isang mapagpalang gabi sa lahat.

 

Wikang Katutubo – isang wikang natutuhan ng isang tao mula pa sa kanyang kapanganakan. Isang wikang nagiging basehan sa pagkakakilanlan ng isang indibidwal. Marahil ito ay walang kahalagahan sa iba, ngunit nagiging tanyag at makabuluhan sa nakararami. Sa mga usap-usapan, sinasabing sa pamamagitan ng pagtangkilik sa wika lalong-lalo na sa katutubong wika ay makakamit natin ang tunay na kaunlaran. Ngunit paano ito mangyayari? Ano nga ba ang layunin at kahalagahan ng wikang katutubo? Tunay nga bang ito ang magbibigay daan sa atin tungo sa isang bansang Filipino?

 

Sa taong ito, idineklara ng UNESCO ang Pandaigdigang Taon ng Mga Katutubong Wika o “International Year of The Indigenous Language” (IYIL). Naglalayon itong makintal sa puso’t isipan ng mga mamamayan ang kahalagahan ng wikang katutubo sa komunikasyon, pagkakaunawaan, at pagkakaisa. Mahalaga ang pagpapanatili ng katutubong wika dahil ito ang nagbubuklod sa mga mamamayang Pilipino at lalong nagpapayaman sa ating pambansang wikang Filipino. Ito ay sinang-ayunan ng 1987 Konstitusyon na nagsasabing ang pagpapayaman at pagdevelop ng wikang Filipino ay dapat isagawa pangunahin sa tulong ng mga wikang katutubo ng Pilipinas. Sinuportahan din ito ng Republic Act 7104 na nagsasabing ang Komisyon ng Wikang Filipino ay dapat na magpatupad ng mga batas, polisiya, at programa upang masigurong mapanatili, mapaunlad, at mapalaganap ang wikang Filipino at mga katutubong wika.

 

Dito pa lamang sa bansang Pilipinas, tayo ay may hindi lamang isa kundi humigit-kumulang 130 katutubong wika sa kabuuan. Isa ang wika sa nagtataglay ng mga natatanging yaman at pamana ng isang bansa. Ilan sa mga ito ay ang panitikang nakasulat at oral na tradisyon. Ngunit ayon sa datos at tala ng UNESCO, 2,680 wika sa buong daigdig ang nanganganib na maglaho sa hinaharap kundi mahahanapan ng solusyon na masagip ito. Isa sa mga dahilan nito ay ang pagdami ng mga Pilipinong mas tumatangkilik sa mga banyagang wika at binabalewala na lamang ang kanilang mga nakagisnang wika. Sumunod na dahilan ay ang pagkakabulabog ng mga mamamayang naninirahan sa mga bundok sa kadahilanang ginagawang lungga ng mga magkakatunggaling armadong grupo ang kanilang mga lupain. Bagama’t tahimik silang namumuhay doon, sila ang naaagrabyado dahil dito. Ito ang humihimok sa kanila na lumisan sa kanilang kinagisnang tirahan. Ngunit ang paglisang ito ay hindi lamang ang pagkawala ng kanilang tirahan, kundi pati na rin ang kultura at wikang kanilang matagal na pinangalagaan. Nakakalungkot lamang isipin. Naglaho na nga ang pagtingin mo sa kanya, pati ba naman ang katutubong wika’y idadamay mo pa? Oo. Alam kong masakit mang-iwan at iwanan. Pero mas masakit kapag wala ka nang wikang ipagmamalaki kaninuman.

 

Upang masolusyunan ang sigalot na ito, noong 2013, ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya na yumakap sa sistemang Mother Tongue Based Multi Lingual Education (MTBMLE) o ang paggamit ng katutubong wika sa pagtuturo sa kindergarten at elementarya. Sa sistemang ito, ginagamit ang katutubong wika sa pagbasa, pagkwenta, at pagsulat ng mga mag-aaral upang mailapat ang kanilang unang wikang natutuhan mula sa kanilang bahay at ang itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang. Ito ay isa lamang sa mga patunay na nagbibigay-daan ang wikang katutubo sa pagkakapantay-pantay at pagbibigay oportunidad sa lahat ng mamamayan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga wikaing unti-unting nawawala dahil sa pagsiklab ng mga banyagang wika. Ang tanong ko, hahayaan na lamang ba nating lamunin ng mga banyagang wika ang ating mga natatanging katutubong wika? Papayag nalang ba tayong tuluyan nang mawala sa ating kasaysayan at sa susunod pang henerasyon ang mga ipinamanang kultura at tradisyon ng ating mga ninuno?

 

Kapag ang isang bansa ay may respeto sa multi linggwalismo o ang pagkakaiba-iba ng mga wikang ginagamit ng mga tao, maiiwasan ang mga girian at di pagkakaunawaan ng bawat isa sa halip ay makakabuo ng pagkakabuklod-buklod at pagkakaisa sa pagkatuto ng pambansang wika at pagbuo ng isang matatag na bansa. Kaya sabay-sabay nating pagyamanin at paunlarin ang ating mga katutubong wika. Ito ang magsisilbing pundasyon upang mapanatili ang pagkakaunawaan, pagmamahalan, at pagkakaisa ng bawat mamamayan. Dahil sa huli, ang tunay na pagmamahal sa wikang katutubo, ang siyang magiging daan tungo sa isang bansang Filipino!

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *