Select Page

Paalam Na

Paalam Na

by Angel May O. Laput BSED-Filipino

Nandyan ka, nandito ako
Magkaharap lang tayo
Pero ilang milyong milya ang layo
At ang lahat ng malayo ay lumalabo.

 

Nandito ako, nandyan ka
Nakatingin ako sa iyong mga mata
Sinusukat kung gaano na ang distansya
Dahil dati’y abot-kamay lang kita

 

Paano nga ba tayo humantong sa ganito?
Maayos naman ang takbo ng ating kwento
Nag-ipon tayo ng mga alaala
Sa bawat parke, bawat kanto
Bawat kalye, bawat kilometro
At hindi ko namalayang ibang direksyon
na pala ang tinatahak mo
Kaya’t naligaw ako

 

Akala ko sa bawat paglipas ng araw ay
mas magkakalapit pa tayo
Pero sa ibang daan ka na pala patungo
Akala ko iisa ang binubuo nating pangarap
Pero iba na pala ang gusto mong
makasama sa iyong hinaharap
Haha. Saklap.
Dinadaan ko nalang sa tawa,
pero ang hirap

 

Dahil sa bawat lugar na pinuntahan
mong kasama ako
ay hinahanap ko ang mukha mo
Sa bawat paglalakbay ko’y iniisip ko na
sana hawak ko ang mga kamay mo
Sa bawat sulok ng lugar na ito
ay hinahabol ako ng anino mo
At sa bawat hakbang ko palayo
ay sinusundan ako ng alaala mo

 

Sana hindi mo nalang ako pinangakuan
ng walang hanggang bukas
Sana hindi mo nalang ako sinabihan na
hindi tayo magwawakas
Nakampante tuloy ako, umasa sa mga salita mo
Nangarap na wala tayong dulo
Pero hanggang dito nalang pala tayo

Nandyan ka, nandito ako
Magkalapit lang tayo
Pero hindi ko na maabot ang iyong puso
At alam kong kailangan na kitang isuko

 

Nandito ako, nandyan ka
At sa pagtama ng ating mga mata
Kahit hindi ka magsalita
Ang gusto mong sabihi’y ramdam ko na

Paalam Na.

About The Author

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *